Halos isa’t kalahating dekada na ang nakalilipas mula nang mag-aplay ako sa isang training program para sa mga kabataang propesyunal upang maging ganap na social development worker. May trabaho na ako sa Baguio noon bilang isang Assistant Project Manager for Training sa isang Foundation, pero hindi ko maintindihan kung ano nga ba ang tunay kong papel sa adhikain ng Foundation, at higit sa lahat, ang kaugnayan ko bilang isang mamamayan sa pagpapaunlad ng ating bansang naghihikahos. Dahil sa kagustuhan kong magkaroon ng higit na malalim at malawak na kaalaman sa development work, at sa paghikayat ng aking manager na may malalim na karanasan sa pag-oorganisa ng pamayanan, sumali ako sa programang iyon. Dumaan ako sa proseso ng pagpili ng mga kabataang propesyunal sa buong Pilipinas upang mapabilang sa programang ito. Naging mapalad akong napabilang sa mga shortlisted o mga kandidato. Dala-dala ang aking kredensiyal, ang aking kaunting karanasan sa community development (pagpapaunlad ng pamayanan), lakas ng loob, at mahaba at matinding dasal, tumulak ako patungong Manila. Sa Manila, haharapin ko ang isang pagsusulit sa harap ng mga piling dalubhasa sa community development o mga taong haligi ng mga non-government organizations (NGO) sa buong Pilipinas.
Sa harap ng panel, ibinigay ko ang lahat ng lakas at ipinaliwanag ko ang aking nalalaman tungkol sa pakikisalamuha sa mga tao, ang papel sa kasalukuyang trabaho, at ang aking hangad na maging mas epektibo sa pagtulong sa mga mahihirap lalo na kung ako ay magkakaroon ng higit at malawak na kaalaman sa pagpapaunlad ng pamayanan. Sa palagay ko, walang tanong na hindi ko sinagot nang tama. Simple lang naman pala ang mga tanong. Natuwa ako sa nangyari. Lumabas ako sa board room nang may ngiti sa aking mga labi. Pero ang ngiting iyon ay panandalian lamang.
Tinawag ako ng HRD Manager at kinausap ako sa sa isang tabi. Hindi raw nila ako “maibaba” at sa palagay nila, mahihirapan akong makisalamuha sa mga taong aking paglilingkuran. Hindi daw kuwestiyon na mataas ang antas ng aking kasanayan at tiyak na magiging asset o yaman ako ng isang pamayanan, subali’t hindi nga raw nila ako “maibaba.” Hindi ko sya maintindihan, at nilinaw ko ang tanong nya—kung ano ang ibig sabihin ng “maibaba.” Sa madaling-salita, panay daw ang Ingles ko at mahihirapan akong makibagay sa mga tao at lalong hindi ko kakailanganin ang Ingles sa mga pagsasanay at pag-oorganisa ng mga tao. Hindi ko kasi napansin na sa wikang Tagalog ang kanilang mga tanong at sa wikang Ingles ang aking sagot. May kulang sa nangyaring komunikasyon--kung komunikasyon man ang tawag doon.
Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis sa sarili, pero ngumiti na lang ako nagpaliwanag. Ipinaliwanag ko na ang pagiging Inglesero ko noong panahong yon—ay impluwensya ng aking nakasanayan sa Baguio at Benguet. Sa halip na Tagalog, gamit namin ang Ingles bilang pangunahing wika sa pagsasanay, at pantulong ang Ilocano, kung saan ang mga matatandang Ibaloi at Kankana-ey ay bihasa. Para sa kanila, ang Tagalog ay Ingles o salitang banyaga.
Bumalik ako sa Baguio na may agam-agam kung ano ang kahihinatnan ng panel interbyu na iyon. Hindi ko na inasahan na matatanggap ako. Subali’t natuwa ako nang may matanggap akong telegrama (nakakatawa man, oo telegrama pa ang uso noon) na nagsasabing tanggap ako sa programa.
Umukit sa aking puso at naitatak sa aking isipan ang karanasang ito. Hindi man tahasang itinuro sa kolehiyo ng mga paring Belgiano na kailangang malaman ko ang bagay na ito pagkatapos mag-aral ng apat na taon, masasabi ko ngayon na bago ang pagtulong sa isang pamayanan, hindi lamang dapat malaman ang kanilang kultura, pag-iisip, mga pangarap at adhikain sa buhay.
Pangunahin dito ang kasanayan sa pakikipagtalastasan (natutuhan ko ang terminolohiyong ito mula kay Gng. Ermelinda Carbonell na aking propesor sa Filipino class) o pakikipag-komunikasyon sa mga tao, dahil nagsisilbi itong tulay upang matawid mo ang kanilang kinaroroonan. At sa pakikipagtalastasan, higit mong mauunawaan ang kanilang kultura, kaugalian, kabuuang kalagayan at kabuhayan, kaisipan, mga suliranin at ang kanilang mga mungkahi upang higit nilang mapaunlad ang mga yaman sa kanilang pamayanan.
Sa higit isang dekada kong pakikisalamuha sa mga tao, bago pa man ako magsimula sa mga pagpupulong at mga pagbisita sa mga baryo, inaalam ko na ang kanilang lengguwahe. Ang “’Ayo!” o pina-ikling “Maayo!” o “Maayong buntag/ adlaw!” na mamumutawi sa aking mga labi tuwing bibisita ako sa mga proyekto ng mga Salesian Brothers sa Dumaguete, ay nagiging pampukaw ng atensyon ng mga abalang nanay at nagiging simula upang kagaanan nila ako ng loob. Nagiging hudyat ito upang ihinto ang kanilang ginagawa at simulan ang mas malalim na talakayan tungkol sa kanilang maliit na negosyong babuyan. Sa mga pagpupulong sa komunidad, hindi man nila lubos na maintindihan ang aking sinasabi sa Tagalog o Ingles, ang pagsasabi ko ng “Unsa may ato?”(Ano ang sa atin?) o “Na-a’y pangutana?” (May mga tanong? O Is there any question?) ay nagsisilbi namang mitsa sa kanilang mga inaantok na utak upang pag-usapan ang kanilang mga agam-agam at mas pina-igting na paliwanag sa mga bagay na hindi nila lubos na maunawaan. Gamay lang ang nahibaluan ko sa Cebuano o Binisaya, subali’t naipararating ko, kahit papaano, ang aking mensahe.
Noong nakaraang Abril, nagkaroon muli ako ng pagkakataong makatrabaho ang mga taga Cordillera, bumalik tuloy ang ala-ala ng pagsisimula ko sa development work. Hindi pa man kami nagkakaharap, parang isang makina na kailangan kong i-calibrate o kalibrahan ang aking utak—kailangan ko namang magsalita ng Ilocano. Hindi ako nagkamali sa aking sapantaha. Higit man silang maunlad o progresibo sa panahon ngayon, naging mas agresibo pa sila sa kanilang partisipasyon nang malaman nilang marunong akong makipagkomunikasyon gamit ang kanilang wika. Komportable sila sa akin.
Sa aking pakikipag-ugnayan nakurot ko nang bahagya ang kanilang mga puso. Masasabi nilang kaisa o kabilang nila ako, dahil hindi lamang ito nagsisilbing tulay upang maabot mo ang kanilang kinaroroonan, ito ay nagsisilbi ding puso upang dumaloy ang bawat mensahe—masaya, malungkot, pangit man o maganda. Kung ang ngiti ay ang isang pangkalahatang pagpapakita ng giliw, ang wika naman ang nagbibigay ng mas malalim na katuturan dito.
Ang iba’t-ibang kultura, kaisipan, kaugalian, kaalaman at adhikain ay magsisilbing isla sa malawak na karagatan kung hindi ito mauunawaan ng bawat Pilipino. Sa pagpapaunlad ng pamayanan, hindi maaring may maiwang pamayanan. Hindi maaring ang iilang tao lamang o siyudad gaya ng Metro Manila, Cebu o Davao ang maaaring umunlad upang masabi nating bumabangon na sa pagkakasadlak ang Pilipinas. Kailangan, ang bawat pamayanan ay may kapayapaan at angking likas-kayang pag-unlad (sustainable development) na dulot ng kanilang pagkakaisa at pagsisikap. Hindi man sa panahon ngayon mangyayari ang ating inaasam na ginhawa. Subali’t mangyayari ito kung lubos nating bibigyang pansin ang ating pagkakaunawaan gamit ang patuloy na pakikipagtalastasan—sa kabila ng pagkakaiba ng ating mga wika. At sa tamang panahon, tayo ay mabubuklod gayundin ang ating pangarap at layunin. At kung and bawat isa ay kikilos nang mapayapa at tatahak sa iisang daan, insha'Allah! (God Willing), masisimulan nating gumising sa magandang kinabukasan.
Pahuling Salita:
Pagkalipas ng isang taon sa programa, kinailangan naming gumawa ng isang Synthesis Paper kung saan namin isusulat ang aming mga reyalisasyon at mga aral mula programa. Ito ay parang tesis na kailangang isumite at idepensa upang maka-gradweyt kami. Ito ang pamagat ng aking Synthesis Paper:
“Banyuhay: Isang Paglalagom ng mga Natatanging Karanasan sa Social Development Workers’ Formation Program (SDWFP)”
Oo, sa halip na Ingles, isinulat ko ito sa wikang Filipino maliban sa titulo ng mga programa at sa mga pangalan ng mga institusyong napapabilang dito. Ito ay pagpapatunay na tinanggap ko ang hamon sa akin—na hindi ako Inglesero at kaya ko ring “bumaba.” Tanging ako lamang ang gumamit ng wikang Filipino sa buong klase namin, isama pa ang naunang dalawang klase. Pati ang depensa ko sa panel ay sa wikang Filipino—isang patunay ng sarili kong pagbabanyuhay (transformation). At nakakatabang puso na alalahanin ito dahil pagkatapos ay nilapitan ako at personal pinapurihan ng isang Direktor ng NGO namin—dahil sa paggamit ko ng wikang Filipino.
presents
Theme:
Sponsored by:
22 people have commented. Leave your comments too!:
very insightful :)
Salamat timlight!
Yours is surely one of my favorites. It's well-written and reflective. :)
I remember a person I know, a former comrade, who's taking up BSCD in UP. Di siya gaanong marunong mag-Tagalog nung una, pero dahil sa integration/immersion activities namin, nahasa ang dila niya. Dati kasi parang ang ironic, Community Development pero hirap na hirap mag-Ingles. Nalilito tuloy yung iba naming nakakausap sa kanya, hehe. Ngayon mas matatas pa siya mag-Tagalog kesa sa akin. :)
Ang mga taga-Baguio, mas kumportable talaga pag ang kausap nila naiintindihan ang salita nila noh? Aminado ako, kahit nung tumira ako ng isang taon sa Baguio, ni hindi ako natuto ng Iloko o Pangasinense.
Hi Shari!
Salamat sa appreciation and taking some time to visit my blog!
Cheers!
Asteeg itong isinulat mo. Basta kasi usapin ng edukasyon o pag-aaral--maging mga bata man sa eskwela o mga tao sa pamayanan ang tinuturuan--laging napakahalaga ng paggamit ng tamang wika. Basic yun, eh--paano kayo magkakaintindihan di nila gamay ang wila ng nagtuturo?
Ederic - salamat sa pagbisita. Kailangan lang ng pagiging bukas ang kalooban at isipan. Dati, takot akong magtagalog sa Cebu, kasi galit sila sa Imperyalistang Maynila. Mataas kasi ng pride ng mga Cebuano. Sa paglipas ng panahon, unti-unti na rin nilang natanggap ang mga "Tagalog". Perhaps, they realize "no man is an island."
Hello po. Just wanna congratulate you for winning 1st place in the Wika 2007 Blog Writing Contest. Pumapalakpak ang tenga ko dahil for the first time, yung gusto kong manalo ang nanalo. Congrats again! :)
Hey Ding, CONGRATS! It's a well-deserved win. Glad you won. :)
CONGRATULATIONS!!! I am so happy for you
Hatchzel aka
Filteany
^ so it's another victory for the Imperial Tagalogs, they were able to subjugate Cebu, and Tagalogs now will imperialize over Cebu.
Love live the Republic of Tagalogs.
Congratsss!!! You deserve that award!
Salamat sa mga papuri ninyo! Ikinalulugod ko ang pangyayaring ito sa aking buhay!
Padayon!
Congrats bay… you really deserve the victory this WIKA 2007
Lipay ko nimo da :-)
daghang salamat bai!
good work, ding! glad to know you have kept the enthusiasm all these years... ipagpatuloy!
Now, bakit "Maraming wika, matatag na bansa"?
Anonymous - it is not about "Tagalog" winning the contest. It is about understanding each other and not out-do one sub-culture. And the key here is communication.
Anonymous - "Maraming Wika, Matatag na Bansa" - for me it connotes encouraging community-based development. Each sub-culture must be able to shine and develop according to its own strengths, and not according to the dictates of other more prominent sub-cultures.
Donah - good to hear from you again! Como esta Señorita? Of course, SD blood runs through my veins! Cheers!
hi ding, congratulations for winning! again, nigawas na pud ang banyuhay nga word, unsa gani na? hehehe...sd pa ka ug ginamit ana da, nya maglisod lang gihapon ko ug G but u make me so proud and i'm happy for u my friend, keep up the good work.
Ding, you won! Congrats on winning Wika2007's grand prize :)
Esme - daghang salamat! SD pa din syempre!
Timlight - OO nga, I could not believe the first time I saw my name.
i never thought that you could write a far straight tagalog article as this. i'm proud of what you do and you have my support ding!
Thanks, Alvin for dropping by.
Post a Comment
Thank you for visiting and reading my blog! If you want to say something about this blog entry, please leave your comments below.
Please be informed that the author prevents spamming, thus the moderated comments. Nonetheless, your comments will be published after the author has reviewed them.
Bear in mind that your contact information will be kept confidential.
If you wish to send me private message, please follow this link:
http://ding-inkblots.blogspot.com/p/contact.html
Salamat! (Thank you!)