Halos isa’t kalahating dekada na ang nakalilipas mula nang mag-aplay ako sa isang
training program para sa mga kabataang propesyunal upang maging ganap na
social development worker. May trabaho na ako sa Baguio noon bilang isang
Assistant Project Manager for Training sa isang
Foundation, pero hindi ko maintindihan kung ano nga ba ang tunay kong papel sa adhikain ng
Foundation, at higit sa lahat, ang kaugnayan ko bilang isang mamamayan sa pagpapaunlad ng ating bansang naghihikahos. Dahil sa kagustuhan kong magkaroon ng higit na malalim at malawak na kaalaman sa
development work, at sa paghikayat ng aking manager na may malalim na karanasan sa pag-oorganisa ng pamayanan, sumali ako sa programang iyon. Dumaan ako sa proseso ng pagpili ng mga kabataang propesyunal sa buong Pilipinas upang mapabilang sa programang ito. Naging mapalad akong napabilang sa mga
shortlisted o mga kandidato. Dala-dala ang aking kredensiyal, ang aking kaunting karanasan sa
community development (pagpapaunlad ng pamayanan), lakas ng loob, at mahaba at matinding dasal, tumulak ako patungong Manila. Sa Manila, haharapin ko ang isang pagsusulit sa harap ng mga piling dalubhasa sa
community development o mga taong haligi ng mga
non-government organizations (NGO) sa buong Pilipinas.
Sa harap ng panel, ibinigay ko ang lahat ng lakas at ipinaliwanag ko ang aking nalalaman tungkol sa pakikisalamuha sa mga tao, ang papel sa kasalukuyang trabaho, at ang aking hangad na maging mas epektibo sa pagtulong sa mga mahihirap lalo na kung ako ay magkakaroon ng higit at malawak na kaalaman sa pagpapaunlad ng pamayanan. Sa palagay ko, walang tanong na hindi ko sinagot nang tama. Simple lang naman pala ang mga tanong. Natuwa ako sa nangyari. Lumabas ako sa board room nang may ngiti sa aking mga labi. Pero ang ngiting iyon ay panandalian lamang.
Tinawag ako ng
HRD Manager at kinausap ako sa sa isang tabi. Hindi raw nila ako
“maibaba” at sa palagay nila, mahihirapan akong makisalamuha sa mga taong aking paglilingkuran. Hindi daw kuwestiyon na mataas ang antas ng aking kasanayan at tiyak na magiging
asset o yaman ako ng isang pamayanan, subali’t hindi nga raw nila ako “maibaba.” Hindi ko sya maintindihan, at nilinaw ko ang tanong nya—kung ano ang ibig sabihin ng “maibaba.” Sa madaling-salita, panay daw ang Ingles ko at mahihirapan akong makibagay sa mga tao at lalong hindi ko kakailanganin ang Ingles sa mga pagsasanay at pag-oorganisa ng mga tao. Hindi ko kasi napansin na sa wikang Tagalog ang kanilang mga tanong at sa wikang Ingles ang aking sagot. May kulang sa nangyaring komunikasyon--kung komunikasyon man ang tawag doon.
Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis sa sarili, pero ngumiti na lang ako nagpaliwanag. Ipinaliwanag ko na ang pagiging Inglesero ko noong panahong yon—ay impluwensya ng aking nakasanayan sa Baguio at Benguet. Sa halip na Tagalog, gamit namin ang Ingles bilang pangunahing wika sa pagsasanay, at pantulong ang Ilocano, kung saan ang mga matatandang
Ibaloi at
Kankana-ey ay bihasa.
Para sa kanila, ang Tagalog ay Ingles o salitang banyaga.
Bumalik ako sa Baguio na may agam-agam kung ano ang kahihinatnan ng panel interbyu na iyon. Hindi ko na inasahan na matatanggap ako. Subali’t natuwa ako nang may matanggap akong telegrama (nakakatawa man, oo telegrama pa ang uso noon) na nagsasabing tanggap ako sa programa.
Umukit sa aking puso at naitatak sa aking isipan ang karanasang ito. Hindi man tahasang itinuro sa kolehiyo ng mga paring Belgiano na kailangang malaman ko ang bagay na ito pagkatapos mag-aral ng apat na taon, masasabi ko ngayon na bago ang pagtulong sa isang pamayanan, hindi lamang dapat malaman ang kanilang kultura, pag-iisip, mga pangarap at adhikain sa buhay.
Pangunahin dito ang kasanayan sa
pakikipagtalastasan (natutuhan ko ang terminolohiyong ito mula kay Gng. Ermelinda Carbonell na aking propesor sa Filipino class) o pakikipag-komunikasyon sa mga tao, dahil nagsisilbi itong tulay upang matawid mo ang kanilang kinaroroonan. At sa pakikipagtalastasan, higit mong mauunawaan ang kanilang kultura, kaugalian, kabuuang kalagayan at kabuhayan, kaisipan, mga suliranin at ang kanilang mga mungkahi upang higit nilang mapaunlad ang mga yaman sa kanilang pamayanan.
Sa higit isang dekada kong pakikisalamuha sa mga tao, bago pa man ako magsimula sa mga pagpupulong at mga pagbisita sa mga baryo, inaalam ko na ang kanilang lengguwahe. Ang
“’Ayo!” o pina-ikling
“Maayo!” o
“Maayong buntag/ adlaw!” na mamumutawi sa aking mga labi tuwing bibisita ako sa mga proyekto ng mga
Salesian Brothers sa Dumaguete, ay nagiging pampukaw ng atensyon ng mga abalang nanay at nagiging simula upang kagaanan nila ako ng loob. Nagiging hudyat ito upang ihinto ang kanilang ginagawa at simulan ang mas malalim na talakayan tungkol sa kanilang maliit na negosyong babuyan. Sa mga pagpupulong sa komunidad, hindi man nila lubos na maintindihan ang aking sinasabi sa Tagalog o Ingles, ang pagsasabi ko ng
“Unsa may ato?”(Ano ang sa atin?) o
“Na-a’y pangutana?” (May mga tanong? O Is there any question?) ay nagsisilbi namang mitsa sa kanilang mga inaantok na utak upang pag-usapan ang kanilang mga agam-agam at mas pina-igting na paliwanag sa mga bagay na hindi nila lubos na maunawaan.
Gamay lang ang nahibaluan ko sa Cebuano o Binisaya, subali’t naipararating ko, kahit papaano, ang aking mensahe.
Noong nakaraang Abril, nagkaroon muli ako ng pagkakataong makatrabaho ang mga taga Cordillera, bumalik tuloy ang ala-ala ng pagsisimula ko sa
development work. Hindi pa man kami nagkakaharap, parang isang makina na kailangan kong i-
calibrate o kalibrahan ang aking utak—kailangan ko namang magsalita ng Ilocano. Hindi ako nagkamali sa aking sapantaha. Higit man silang maunlad o progresibo sa panahon ngayon, naging mas agresibo pa sila sa kanilang partisipasyon nang malaman nilang marunong akong makipagkomunikasyon gamit ang kanilang wika. Komportable sila sa akin.
Sa aking pakikipag-ugnayan nakurot ko nang bahagya ang kanilang mga puso. Masasabi nilang
kaisa o kabilang nila ako, dahil hindi lamang ito nagsisilbing
tulay upang maabot mo ang kanilang kinaroroonan, ito ay nagsisilbi ding
puso upang dumaloy ang bawat mensahe—masaya, malungkot, pangit man o maganda.
Kung ang ngiti ay ang isang pangkalahatang pagpapakita ng giliw, ang wika naman ang nagbibigay ng mas malalim na katuturan dito.
Ang iba’t-ibang kultura, kaisipan, kaugalian, kaalaman at adhikain ay magsisilbing isla sa malawak na karagatan kung hindi ito mauunawaan ng bawat Pilipino. Sa pagpapaunlad ng pamayanan, hindi maaring may maiwang pamayanan. Hindi maaring ang iilang tao lamang o siyudad gaya ng Metro Manila, Cebu o Davao ang maaaring umunlad upang masabi nating bumabangon na sa pagkakasadlak ang Pilipinas. Kailangan, ang bawat pamayanan ay may kapayapaan at angking likas-kayang pag-unlad
(sustainable development) na dulot ng kanilang pagkakaisa at pagsisikap. Hindi man sa panahon ngayon mangyayari ang ating inaasam na ginhawa. Subali’t mangyayari ito kung lubos nating bibigyang pansin ang ating pagkakaunawaan gamit ang patuloy na pakikipagtalastasan—sa kabila ng pagkakaiba ng ating mga wika. At sa tamang panahon, tayo ay mabubuklod gayundin ang ating pangarap at layunin. At kung and bawat isa ay kikilos nang mapayapa at tatahak sa iisang daan, i
nsha'Allah! (God Willing), masisimulan nating gumising sa magandang kinabukasan.
Pahuling Salita:
Pagkalipas ng isang taon sa programa, kinailangan naming gumawa ng isang Synthesis Paper
kung saan namin isusulat ang aming mga reyalisasyon at mga aral mula programa. Ito ay parang tesis na kailangang isumite at idepensa upang maka-gradweyt kami. Ito ang pamagat ng aking Synthesis Paper
:
“Banyuhay: Isang Paglalagom ng mga Natatanging Karanasan sa Social Development Workers’ Formation Program (SDWFP)”
Oo, sa halip na Ingles, isinulat ko ito sa wikang Filipino maliban sa titulo ng mga programa at sa mga pangalan ng mga institusyong napapabilang dito. Ito ay pagpapatunay na tinanggap ko ang hamon sa akin—na hindi ako Inglesero at kaya ko ring “bumaba.” Tanging ako lamang ang gumamit ng wikang Filipino sa buong klase namin, isama pa ang naunang dalawang klase. Pati ang depensa ko sa panel ay sa wikang Filipino—isang patunay ng sarili kong pagbabanyuhay (transformation).
At nakakatabang puso na alalahanin ito dahil pagkatapos ay nilapitan ako at personal pinapurihan ng isang Direktor ng NGO namin—dahil sa paggamit ko ng wikang Filipino.
presents
Theme:
Sponsored by: